(Halaw kay St. John Marie Vianney)
Kapistahan: Aug. 4
"And now these three remain: faith, hope and love. But the greatest of these is love." -1 Cor. 13:13
Marahil pamilyar na tayo sa mga katagang ito. Madalas natin marinig, makadaupang-palad, magamit at siguro ay ipanalangin. Tama! Ipanalangin. Sapagkat ang mga ito ay mula lamang at bigay lamang ng Diyos.
Faith / Pananampalataya
Ang pananampalataya ay bigay sa atin ng Diyos. Kung ating aalalahanin, nuong tayo'y bininyagan, ang hiningi at dinulog natin sa Simbahan ay pagkalooban tayo ng Pananampalataya. Pananampalataya upang mabanggit ang "Diyos ko at Panginoon ko!" Sumasampalataya tayo na may Diyos, iisang Diyos na makapangyarihan; na may gawa ng langit at lupa. "Mapalad ang mga sumasampalataya kahit hindi nila ako nakita." Ang kawalan ng pananampalataya ang humadlang sa dalawang alagad, habang papuntang Emmaus, na makilala si Kristo. Gayundin ang hindi agad pagkakilala ni Maria Magdalena nuong si Kristo'y muling nabuhay. Ipinunla sa atin ang binhi ng pananampalataya. Linangin natin ito. Hayaan natin itong makita at masilayan ang liwanag mula sa pagkakatanim sa ikabuturan ng ating mga puso.
Hope / Pag-asa
Ah! Pag-asa! Ang buhay. Araw-araw tayo'y bumabangon na pinanghahawakan ang pag-asang hatid ng Diyos. Pag-asa na kailanma'y hindi dapat nating bitiwan. Gumagawa tayo ng mabuti; nagpapakapilit at nagsusumikap maging mabuti at pinapanatili na maging mabuti sapagkat umaasa tayo sa pangakong hatid ng Panginoon sa atin: ang buhay na walang hanggan; ang makapiling siya sa kanyang kaharian na kanyang inihanda para sa atin; para sa bawat isa sa atin. Napakasarap isipin at asamin na maganap at malasap ang mga iyon. Ang kawalan ng pag-asa na mapatawad siya ng Diyos ang kumitil sa buhay ni Hudas. Ito rin ang tumabing sa mga mata ng dalawang alagad, habang papuntang Emmaus, na hindi makilala si Kristo. Dala nila sa kanilang dibdib ang pagpatay sa kanilang pag-asa, sa kanilang Mesias. "Huwag kang matakot."
Love / Pag-ibig
Pag-ibig! Ang pinakadakila. May hihigit pa kaya? Pag-ibig na mula sa Diyos, na katangi-tanging pinagmumulan nito. Pinagmumulan na hindi nagbabago; na hindi pabagu-bago. Nuon, ngayon at magpasawalang hanggan. Pag-ibig ang nagtulak sa Diyos na tayong maligtas at maangkin muli mula sa pagkakahulog sa kasalanan. Pag-ibig na ipinakita sa pagbibigay ng kanyang katangi-tanging anak para sa ating kaligtasan. Pag-ibig kung bakit tayo'y umiibig din. May mahihiling pa ba tayo? Na tayong handang mahalin ng Diyos kahit hindi natin siya mahal. Na tayong mahal niya kahit wala kang gawin para mahalin ka niya. Kung alam lang natin ito. Napakasarap magpakalunod sa pag-ibig ng Diyos. Pag-ibig. Ito ang dahilan kung bakit nakilala ng dalawang alagad, sa daan papuntang Emmaus, si Kristo sa paghahati-hati ng tinapay. Kung bakit umalab ang kanilang mga puso habang kanilang kausap si Kristo. Ito rin ang dahilan kung bakit napasambit si Maria Magdalena ng "Raboni!" pagkatapos mabanggit ni Kristo ang kanyang pangalan. Pag-ibig. "Magmahalan kayo tulad ng pagmamahal ko sa inyo."
Pananampalataya...Pag-asa...Pag-ibig...
Ang tatlong ito ay mananatili ngunit ang pag-ibig ang pinakadakila sa lahat. Tayo'y sumasampalataya sa Diyos; na may Diyos; ngunit kapag dumating na ang kanyang muling pagbalik ito'y tuluyan ng maglalaho. Ano pang sasampalatayanan natin? Ito'y naganap na. Ito'y nasa harap na ng ating mga mata. Ang Diyos; ang Diyos na totoo. At sa pagdating ng araw na ito, na makapiling na natin ang Diyos sa kanyang kaharian at matamasa ang buhay na walang hanggan, ano pang aasamin natin? Wala na sapagkat ito'y nagkaroon na ng kaganapan. Ngunit ang pag-ibig, ito'y mananatili at lalong yayabong sa kaharian ng Panginoon. Hindi ito kailanman maglalaho. Ito ay panghahawakan at tatamasain natin magpasawalang hanggan.
Pananampalataya ay bigay ng Diyos Ama, hatid ni Kristo sa kanyang pagkakatawang-tao ay pag-asa, samantalang dahil sa pag-ibig ng Ama at ng Anak tayo'y inihabilin at sinusubaybayan ng Espiritu Santo hanggang sa dumating ang buhay na walang hanggan.
San Juan Marie Vianney, ipanalangin mo kami.
No comments:
Post a Comment