Halos sunud-sunod ang mga pangyayaring marahil nasusubok o sa iba’y nakakapanakit na may kinalaman sa ating pananampalataya. Ang ating Simbahan, sa ngayon, ay maraming pinagdadaanang kontrobersiya, pagpupukol, iskandalo at iba pa sanhi ng ilang personalidad, kabahagi man ng Simbahan o hindi. Nariyan ang pagbatikos sa pagtanggap sa maanomalyang pondo ng PCSO, pagbansag ng ‘pajero bishops’, RH Bill, Divorce Bill, pagsisimula ng same-sex marriage at ang huli ay ang mapanirang-puri na Exhibit gamit ang mga larawan at imahe ni Kristo.
Aaminin ko na kahit ako ay naapektuhan sa mga nangyayari. Hindi ko man lubos na nauunawaan ang lahat-lahat ay marami pa ring pagkakataon na nakakaramdam ako ng kalungkutan hinggil dito. Ang totoo’y hindi ko alam kung mayroon din ba akong dapat gawin o mag-antay nalang sa mga susunod na mga mangyayari. Aaminin ko…takot din ako sa pagbatikos ng iba. Takot akong hindi makasabay sa mga argumentong kanilang ilalatag. Subalit mas natatakot ako na dumating ang araw na makita ko ang sarili ko na walang ginawa kahit sa pamamagitan lang ng ganito.
Pakiramdam ko’y itoy pagsubok sa ating pananampalataya; sa ating pag-asa at sa ating pag-ibig lalo na sa mga kapwa ko Katoliko.
Pagsubok sa ating pananampalataya, sa ating pinaniniwalaan at sinasampalatayanan. Tuwing Linggo sa Misa ay lagi tayong inaanyayahan ng pari na ipahayag ang ating pananampalataya. Sabay-sabay natin itong binibigkas sa pamamagitan ng ating mga labi. Ganun din ba kaya ng ating puso? Sa mga bawat pagpukol sa ating Simbahan at kaparian, nangangamba akong may mawala sa ating kawan, pinili man niya o hindi. Nitong huli, nakita natin ang ginawang exhibit na ginamit ang mga larawan at imahe ng Panginoon nating si Hesukristo. Nabatid natin kung gaano nagdugo ang puso ng bawat isa sa atin lalo na ng Inang Simbahan. Ngunit sa kabila nito, wala lang iyon para sa iba. Pagbabatikos pa ang ating narinig at panghuhusga lalo na sa mga kapatid nating hindi naniniwala sa mga imahe at larawan. Hindi ko man alam kung anong magandang argumento ang ibato sa kanila patungkol dito ay pananampalataya pa rin ang nararamdaman kong nagsusumigaw. Imahe at larawan ang kanilang nakikita samanatalang kami’y pag-asa at pag-ibig.
Pagsubok sa ating pag-asa. Pag-asang nagmumula sa ating pananampalataya (ayon kay St. Bonaventure). Ako’y umaasa pa din na malalagpasan ng ating Simbahan ang mga ito. Marahil pa nga’y mapagtagumpayan ang mga kinakaharap na ito. Mapaglabanan nawa natin na hindi mapatay ng mga pagpupukol na ito ang bawat pag-asang lumiliyab sa ating puso. Makapangyarihan ang Panginoon natin. Mapagmahal ang Diyos natin. At higit sa lahat ay Siya ay lubos na Maawain.
Sa lahat ng ito ang pinakamalaking pagsubok ay ang pagsubok sa ating pag-ibig. Mahalin mo ang iyong kaaway at ipanalangin mo ang mga umuusig sa iyo…Kung ang mga umiibig sa inyo ang siya lamang ninyong iibigin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kaya pa ba nating magmahal sa kabila ng lahat ng ito? May karapatan din tayong ihayag ang ating saloobin lalo na ang pagkagalit. Gagawin ba natin ito? Bagkus ang Simbahan ay inaanyayahan tayong magbayad-puri hindi para ipahiya sila bagkus iparamdam ang ating pag-ibig sa kabila ng kanilang nagawa. Pagsumikapan nating maghari ang pag-ibig sa kabila ng mga nangyayari sa ating Simbahan.
O Hesus, bukal ng awa at kapatawaran, lumalapit kami sa iyong kabanal-banalang puso. Tingnan mo ang aming pananampalataya at hindi ang aming pagkakamali at pagmamataas. Tulutan mong maghari ang pag-ibig sa aming mga puso. Ikaw ang aming kaligtasan. Ikaw ang aming Pag-asa. Turuan mo kaming magpakumbaba at isaalang-alang ang kapakanan ng bawat isa sa amin. Batid mo ang aming hangarin at tiisin. Iniaalay namin lahat ito sapagkat nasa sa iyo ang aming kapanatagan, ang aming kaganapan.
O Hesus, Hari ng Awa
-Kami ay nananalig sa Iyo
O Kalinis-linisang Puso ni Maria
-Ipanalangin mo kami