Saturday, July 16, 2011

haBanG mAy paG-aSa mAy bUhaY...

Batid nating lahat ang kasabihang "Habang may buhay may pag-asa". Ngunit sa aking pagtanto ay mukhang baligtad dapat. Sa aking palagay na "Habang may pag-asa, may buhay".

Bakit ko nasabi?

Sapagkat kung ang bawat isa sa atin, ang bawat tao kapag nawalan ng pag-asa sa buhay ay tiyak hahangaring hindi na mabuhay pa dito sa mundo. Ang masaklap pa ay kung kikitilin nya ang kanyang buhay sa kawalan ng pag-asa. Ang kawalan ng pag-asa ni Hudas na siya ay patatawarin pa ng Panginoon sa kanyang mga nagawa ang nag-udyok sa kanyang kitilin ang kanyang buhay. Gayon din malamang ang maraming pang taong nagpasyang tapusin na ang kanilang buhay.

Ang isang taong puno ng pag-asa sa buhay ay ang taong handang harapin ang lungkot at saya na hatid nito. Handang suungin ang landas ng buhay. Ito ang kanyang ginagamit para bumangon sa bawat bagong umaga.

Ang pag-asa ay bigay ng Diyos sa ating lahat. Sa kanya ito nagmula. Ang pag-asa na makapiling ang Panginoon sa kanyang kaharian balang araw ang ginagamit natin upang mamuhay ng naaayon sa kanyang kagustuhan. Ang pag-asa sa kanyang pangakong buhay na walang hanggan ang nagpapalakas sa atin na gumawa ng mabuti kaninuman. Ang pag-asang ipinakita ni Kristo sa kanyang krus at kamatayan ay nag-uudyok sa atin mamuhay na nababalot sa kanyang pag-ibig.

Habang may pag-asa may buhay. Magsilbi sana tayong instrumento ng pag-asa lalo na sa mga pinanghihinaan na ng loob. Ibahagi natin sa kanila ang pag-asang ating nararamdaman at pinanghahawakan ng sa ganun ay mapagpatuloy nila ang kanilang buhay...upang magkaroon sila ng buhay...na puno ng pag-asa.

No comments:

Post a Comment